Speech of President Arroyo during the closing program of the Peace and Development Summit

“Kasulong sa Kapayapaan at Kaunlaran, Tatak Bulakenyo” [Filipino]

Talumpati
ng
Kagalang-galang Gloria Macapagal-Arroyo
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos na programa ng Peace and Development Summit “Kasulong sa Kapayapaan at Kaunlaran, Tatak Bulakenyo”

[Ipinahayag sa Regino Carmeli University Gymnasium, Brgy. Catmon Malolos City, Bulacan, ika 12 ng Nobyembre, 2003]

Maraming salamat.

Maraming salamat, Governor Josie de la Cruz.

‘Yung pagkuwento ni Josie tungkol sa akin, bagay na bagay para sa isang estudyanteng nagke-kuwento tungkol sa kanyang teacher.

Ako’y nagpapasalamat na tayo ay narito lahat. Salamat sa inyong napakainit na pagtanggap sa inyong lingkod at aking mga kasamahan ngayon.

Kasama ko ngayon ang ilan sa aking mga Cabinet member. Ang ating Cabinet officer for regional development sa Region III, si Richard Gordon, ang ating Secretary of Tourism. Nabanggit na ni Josie kanina si Secretary Michael Defensor, siya ‘yung ka-partner nitong ating lilipat na mula sa ating railroad. nandito rin, nandoon siya kasama ng mga media, inaalagaan n’ya, ini-entertain n’ya, ang ating Press Secretary, si Secretary Milt Alingod. At nandito ang isa sa aking tatlong Cabinet member mula sa Bulacan, si Secretary Lito Sarmiento. Nandito rin ang ating Presidential Assistant for North Luzon, si Rene Diaz.

Sabi nga ni Josie, ang dami-dami ko ng appointees mula sa Bulacan. Tatlong Cabinet member, maraming undersecretary, maraming importanteng director, at lately nag-appoint ako ng tatlong Sandiganbayan Justices, sabay-sabay, lahat taga-Bulacan. Si Judge Baldos, si Judge Jurado, at saka si Fiscal de la Cruz. Lahat Bulacan.

Kaya binabati ko lahat ng mga officials ng Bulacan na naririto ngayon. ‘Yung ating mga congressmen, ang congressman n’yo dito ay si Congressman Willy Alvarado. Siya ay… Inurong n’ya ‘yung kanyang pirma sa impeacment. nandito rin ‘yung aking kaibigan, dating Chief of Staff noong ako ay Vice President, si — kalahating Capampangan — si Congressman Willy Villarama. Narito ‘yung ating napakagandang dalawang mga congresswomen — si Lorna Silverio at saka si Nining Nicolas. At ‘yung ating Congressman sa party list, kinakatawan ang mga magsasaka ng butil, si Congressman Ben Cruz.

Gusto kong batiin ang ating host mayor, si Danny Domingo. Tama si Josie, pag malapit sa Pampanga ang Bulacan, nasisilip lahat ng nabibigay ko sa Pampanga. nasilip ninyo ‘yung San Fernando overpass. Mula sa San Fernando pumunta ako dito sa Bulacan, sa Baliuag. Tuloy, hiningan ako ng overpass para sa Malolos. At gaya nang sabi ni Josie, dumating kaagad, three days after ‘yung engineering team. At sabi ni Danny Domingo sa akin na nagsisimula na ‘yung mobilization.

Binabati ko lahat ng punongbayan ng Bulacan, ang dami-dami n’yong narito. Ako ay nagpapasalamat sa inyong lahat dahil kayo ay narito. At gusto ko ring batiin ‘yung ating mga nag-aalaga ng ating kapayapaan, si General Dominguez, si General Braganza, at saka si General Querol. Romy, ‘di ba Bulacan ka rin? Ah, pero si Vidal Querol, ‘yan, taga-Bulacan ‘yan.

And I would to greet the private sector. Kung nandito lang sana ang pangalan babatiin ko lahat pero nandito ang pangalan ni Rey Simbulan, ang Regional Director ng Luzon PCCI. At ang ating host sa eskwelahang ito. Thank you for receiving me for the second time, Sister Carmeli Catan, ang pangulo ng University of Regina Carmeli. Pagpasok ko nga hinahanap ko ‘yung mga estudyante eh. Nandoon sila. Kumusta kayo lahat. At mga napakaraming mga DepEd dito, binabati ko rin kayo lahat. Mga iba’t-ibang official — ay, magandang hapon sa inyong lahat.

At itong pagpupulong nating ito para sa kapayapaan at kaunlaran ay talagang tatak ng bulakenyo. Ang inyong pagmamahal sa kapayapaan at kaunlaran ay katangiang pinatunayan na ninyo sa maraming makasaysayang pangyayari sa ating bansa kung saan naging mahalagang bahagi ang mga Bulakenyo.

Isa na nga dito, hindi natin makalimutan dahil ito ay isang pinagdidiriwang ng buong bansa, ay ‘yung Malolos Congress na bumuo ng unang Konstitusyon sa buong Asya — ang Malolos Constitution. Dito sa Malolos, dito sa Bulacan ipinakita ng mga Pilipino ang pagpapahalaga at paggalang sa Saligang Batas. Tamang-tama, naalaala natin ‘yon dahil itong pagpapahalaga sa ating saligang batas ay muling napatunayan sa Davide impeachment case, kung saan ang desisyon ng Korte Suprema base sa Konstitusyon ay inayunan at iginalang ng sambayanang Pilipino.

Kailangan talaga mayroon tayong rekonsilyasyon at panibagong pagkakaisa kung gusto nating sumulong ang bansa. Kailangan natin ang kapayapaan kung gusto nating kaunlaran para sa bansa. Para sa katahimikan ng pag-iisip ng taong bayan, dapat patahimikin na natin ang kontrobersiya ng krisis ng impeachement pagkatapos na resolbahan sa paraang maka-saligang batas. Lahat ng mga panig sa alitan ay kumilos na maka-bansa at tayo dapat tayo magkaisa at pasiglahin natin ang ating mga institusyong demokratiko kaysa pahinain pa sila.

Binubuksan ko muli ang sinsero at tahimik na pag-uusap sa lahat ng mga grupong may kinalaman, at inaasahan ko na pakikinggan nila ang panawagan sa maka-prinsipyong rekonsilyasyon. Itong maka-prinsipyong rekonsilyasyon ay talagang panawagan ng ating mga panahon. Hindi lamang ‘yung maka-prinsipyong rekonsilyasyon sa iba’t-ibang panig ng alitan sa nakaraang impeachment crisis kung hindi na rin ‘yung tuluyan rekonsilyasyon na hinahanap natin sa pamamagitan ng mga npa at ‘yung gobyerno, milf doon sa mindanao, ‘yung gobyerno, ‘yung mga importante rin ang rekonsilyasyon sa pamamagitan ng mga pwersa ng Edsa Dos at Edsa Tres. ‘Yan ang napakaimportanteng rekonsilyasyon na dapat habulin natin ngayon.

Ang taumbayan kasi ay kailangan makita ang pwersa nakakapag-kaisa kung hindi ang taong bayan mismo ang magwawatak-watak at hihina sa pagharap sa mga nakakasindak na hamon. Ang mga hamon natin, ang batayang hamon natin ay dalawa — pairalin ang kapayapaan, labanan ang kahirapan. Ang bansa ay kailangang mahilom sa pamamagitan ng pinagkaisang patriyotismo at damdaming tungkulin maging mga lider, maging sambayanan.

Ako sa mga nakaraang krisis, nakaraang krisis ng impeachment, habang tumutulong makahanap ng solusyon sa paraang magpairal ng dignidad ng mga dakilang institusyon ng ating pamahalan, tuloy-tuloy ang ating higit na pansin sa mga serbisyong pang-kalakalan at pang-kabuhayan. Dahil hindi naman pwedeng tumigil ang pagtakbo ng ating bansa porke’t lamang may alitan o hidwaan.

Sinisikap kasi natin magkaroon ng malakas na republika. Salamat na lamang na sa matagal na problema natin ay meron tayong mga nakakamit. Matagal na nating problema ang pagpapasigla ng ating ekonomiya dahil ang pagpasigla ng ekonomiya ay siya ang solusyon sa kahirapan. Kaya kaunlaran ‘yung pinag-uusapan natin sa summit na ito. Mabuti na lamang na sa gitna ng impeachment crisis noon pa tumaas ang ating stock market sa pinakamataas na sigla sa loob ng nakaraang dalawampung buwan. Ibig sabihin noon nandiyan pa rin ang tiwala ng mga nagnenegosyo sa ating bansa. At sa maikling panahon, marami tayong naitaguyod. Itong mga magkakaroon ng bagong buhay at bagong bahay, sila ay bahagi ng naitaguyod nating pinakamalaking housing program at land tenure program sa maralitang taga-lungsod sa buong kasaysayan. Maraming mahihirap, hindi lamang itong mga ladies nating naka-berde sa kanan ko ang nabigyan ng karapatang magkaroon ng bagong tahanan at nabigyang karapatang bilhin ang lupang tinitirikan. At ito ay… Ang dami noon dahil limampung taon, tatlumpung taon na naghihintay. Ang dami ko nang nakitang umiiyak dahil hindi nila naisip na mangyayari ito sa wakas, pero nangyari sa ating administrasyon.

‘Yung bigas, ‘yung isda, ‘yung parating binibili ng mahihirap, hanggang ngayon napapanatili pa rin natin ang presyo ng pagkaing binibili ng mahihirap. At ang koleksiyon ng ating buwis, lumalakas, dahil inayos natin ang sistema ng koleksiyon, kasama na ang lifestyle checks at iba pang mga panlaban sa katiwalian. At dahil na rin sa magandang mga batas na ginawa ng Congress tungkol sa ayos ng ating sistema ng koleksiyon ng buwis. Kaya, congratulations sa ating limang congressman na narito ngayon.

Sabihin man ng mga nagbabatikos, kung ano ang sasabihin nila, ang ating GNP growth rate noong itong taong ito ang pinakamataas na nakamit natin mula noong ating 1997 Asian financial crisis. At sabihin man — kung ano ang sasabihin ng mga nagbabatikos sa atin — dalawampu’t isang ekonomiya sa Asia-Pacific o APEC, sa dalawampu’t isang ekonomiya, ang ating growth itong taon ay pang-anim sa lahat sa dalawampu’t isa. Ibig sabihin nun hambing sa labinglima sa ating mga karatig ekonomiya sa Asia at Pacific ay mas maganda ang ating performance.

Ngunit kahit mas maganda ang ating performance kumpara sa ating mga karatig-bansa at ito ay totoo sa nakalipas na dalawa at kalahating taon ng aking administrasyon, ang mga bansang ito sa aking pagbibisita at pag-uusap ay nagsisimula na muling umahon. Kaya sa pagkakataong ito dapat hindi nila tayong maiwan pag-ahon nila.

Kaya ito ang mga kailangan nating gawin. Maging sa paglaban sa krimen lalo na sa laban sa iligal na droga meron tayong mga importanteng tagumpay. Nagpapasalamat ako sa nalaman ko kanina kay Josie na doon sa Doña Remedios Trinidad magkakaroon ng rehabilitation center para sa ating mga drug addiction victims. Ito ay ngo-initiated, kaya mabuhay ang mga bulakenyong NGO at private sector. Malubha ang problema ng droga kaya ‘yon ay isa sa mga batayan ng performance ng ating mga pulis, chief at police director.

Kahapon, ang mga pulis ay nakahuli ng ini-smuggle na drogang halagang isang bilyong piso pagkatapos nang masinsinang intelligence operations diyaan sa inyong karatig-bayan, sa Valenzuela. Ito ay napakaimportante. Kasi noong unang tatlong buwan ng ating panibagong paglalaban kontra sa droga pagkatapos ng ating State of the Nation Address ay marami na tayong mga drug bust sa mga drug lord na noong araw ay untouchable. Marami tayong mga pabrikang nasarado ng shabu kaya naging mahal ang shabu sa kalsada. Ngunit ganunpaman, kahit na naging mahal, tumaas nang five times, meron pa rin. Eh, kung nasarado na ang mga pabrika, saan nanggagaling ‘yon? Nanggagaling sa importation, nanggagaling sa smuggling. Kaya doon natin nilagay ang ating detective work. At kahapon doon sa isang pabrika nahuli, nakalagay pala sa ilalim ng sofa, furniture imports kunyari. At doon nga, one billion pesos ang drogang nahanap. Pinakamabisa, pinakamabungang drug bust sa kasaysayan ng ating bansa.

At dito sa Bulacan, alam kong abala kayo sa problema ng droga. Alam ko na ang mga barangay dito sa Bulacan ay hindi magpapaiwan sa kampanyang ito. Nalaman ko na pati ang mga Homeowners Association dito sa Bulacan ay gustong tumulong. Talagang kailangan ko ang inyong tulong. Maganda ‘yan, religious ngo nagtatayo ng drug rehab center. Homeowners Association, private sector sumasama sa paghanap ng mga drug pushers. Maganda ‘yan at dapat tularan ng mga kaparehong asosasyon at ngo sa ibang lugar. Huwaran talaga ang Bulacan.

Sa buong Pilipinas, talagang meron tayong maraming tagumpay tungkol sa kapayapaan. Napahina rin natin ang Abu Sayyaf. Nabasa ko sa peryodiko, isa doon sa mga main leaders ng kidnapping nung Sipadan pa noon panahong year 2000 ay nasugpo ng ating mga sundalo. At puspusang kinakampanya nating madakip ang mga kasapi ng Jemaah Islamiyah, para sa ganun ay masugpo sila bago sila kumalat hanggang dito sa Luzon at Bulacan.

Ang pamahalaan ay nagsisikap na gawin ang lahat ng ito para sa lahat ng Pilipino, dahil gaya nang sabi ng inyong tema ng inyong summit kailangan ang kapayapaan para sa kaunlaran. At ginagawa natin ito lalung-lalo na sa ating mga kabataan, tulad ng kabataan dito sa eskwelahang ito, ‘yung nasa kaliwa ko dahil kayo ang kinabukasan ng ating bansa.

Dito sa Bulacan, nagkaroon nga kayo ng summit, may ilang mga… Si Josie ang kailangang sasagot. Ngunit meron ding ilang nakita ko na may kinalaman ang national government. ‘Yung iba pinag-aaralan — lahat nga pinag-aaralan — pero meron akong tatlong nakita na medyo dapat siguro bigyan na ng anunsiyo ngayon pa man. O, bakit dalawa na lang ito? Ayun. Hindi. Ah, ayun, ayun. Okey. Ano kaya ang uunahin ko dito?

Ah, gusto kong batiin ang bulacan kasi ang gaganda ng mga produkto ninyo, lalong gaganda sa packaging na ginagawang tulong ni Raul Hernandez dito sa Bulacan. At dahil napag-usapan natin ‘yung pangangalakal ng Bulacan, ‘yung North Food Exchange, sabi ni Josie anim na taon na n’yang linalakad kaya talagang kailangan karanasan at panahon para matupad. And may anim na taon, kaya inuutos ko ang TESDA, NEDA, Foreign Affairs — nandito ‘yung anak ni ka Blas Ople. Ay, hi! Si Felix Ople — at ang DOST na tulungan ang probinsiya ng Bulacan para pabilisan, pabilisan ang information component ng North Food Exchange.

Ngayon, alam n’yo ang Bulacan malapit hindi lamang sa aking ama, kungdi sa akin, kundi na rin sa aking ama. At panahon ng aking tatay, parating kinikuwento sa akin ni Mayor De Leon pag nagpupunta ako doon — noong una pang panahon ng aking pagpupunta doon — “ang tatay mo ang nagbigay ng patubig dito sa Bulacan, sa Angat.” eh, ngayon mukhang kailangan nang panibagong trabaho sa Angat. Kaya nalaman ko meron pala noong 1992 pa isang MOU sa pamamagitan ng MWSS at saka Provincial Government of Bulacan kung papano ma-allocate ang tubig ng angat. Eh, dapat naman siguro ang MWSS, 1992 pa ‘yon — ‘yan ang problema pagpalit nang palit ng pangulo eh — mabuti na lang, na-research natin sa pamamagitan nitong summit na ‘to. Kaya inuutusan ko ‘yung MWSS na balikan itong 1992 MOU kasama ng probinsiya ng bulacan at tignan kung papano matupad itong allocation na ito.

Tapos ‘yung pangatlo. Merong Bayabas Dam Project, sa DRT na naman. Ano ba itong DRT? At merong… Kasi nga may problema kayo ng patubig at merong rekomendasyon na gumawa ako ng Executive Committee na siya ang mag-o-oversee ng build-operate-and-transfer implementation ng Bayabas Dam. Gumawa raw ako ng Inter-Agency Committee. Hindi ako naniniwala sa committee eh. Naniniwala ako sa isang tao lamang dapat nag-o-oversee o isang kagawaran. Kaya itong Memorandum Order na sinasabing “create an inter-agency committee to oversee the build-operate-and-transfer implementation of the Bayabas dam.” papalitan ko itong Memorandum Order. Sasabihin ko “Authorizing the Governor of Bulacan to oversee the B-O-T transfer.”

Importante talaga na tayo ay nagkakasama para matugunan itong mga pangangailangan. Madali mag-usap ng prinsipyo at saka theory eh. Madali magbatikos kung ano ang masamang ginagawa o pangit na ginagawa o mali. Pero mahirap ang magpatupad — execution. At ‘yang execution ay nanggagaling sa karanasan, sa alam natin kung saan-saan ang mga papeles naghahanap, ‘yan ang tinatawag na bahagi ng learning curve. At ang masasabi natin, itong ginanap natin sa ating summit na ito, ‘yan ay isang malaking tutulong sa tagumpay para maunawaan natin ang kailangang gawin para sa pangunahing lalawigan ng Bulacan, na siya rin kung kayo ay maunlad, maunlad ang buong Pilipinas.

Maraming salamat sa inyong lahat.

Source: Official Gazette